Thursday, August 13, 2015

Ang Malungkot Na Alaala Ni Miguel (Unfinished)

Written on May 2005

Malalakas na tibok ng puso ang aking nadarama tuwing ako ay tutungo sa Head Quarters ng CAT. Hanggang ngayon ay nararamdaman ko ito tuwing naaalala ko ito o sa tuwing nararamdaman ko na parang nasa militar ako (tulad ng mga camping). Nagsimula ito noong 3rd year ako sa isang eskwelahan sa isang probinsya. Hindi maganda ang aking hangarin sa pagsali sa CAT. Ngunit ito'y nagbago ng naramdaman ko ang hirap na pinagagawa ng mga officers at patnubay ng mga kaibigan.

Alam ng karamihan na ako'y pinagpala sa pisikal na kaanyuan. Gwapo, matangkad, medyo may kalakihan ang katawan at maputi. Masasabi mong isa ako sa mga tinatamasa ng mga kababaihan. Ngunit masakit para sa akin na ako may naghahanap ng katulad ko. Oo, mas naaakit ako sa kapwa ko lalaki. Minsan, hindi ko matanggap ang nangyari sa akin ngunit mahirap baguhin ang sarili. Sabi nga nila, sarili ang pinaka-matindi mong kalaban. Sa lahat ng aking naging pantasya, lahat ay kalalakihan.

Nagkaroon ako ng kaibigan na kinaaayawan ng iba (Marumi, mabaho, at di gaanong kaaya-aya ang hitsura). Natagpuan ko sa kanya ang isang tao na pag kina-usap mo ay malalim at may napakabuting puso. Siya ang laging pinagbubuntunan ng galit ng aking mga kamag-aral. Dahil dito naisipan kong sumali sa COCC upang maging officer at makaganti sa umaaway sa kaibigan ko.

Sa una kong pagpasok sa HQ ng CAT (July-7-2004), medyo nanibago ako sa paligid sapagkat lahat sila ay nakatindig kung tumayo at maglakad. (Sa BSP kasi na una kong sinalihan, na kung saan ay may mataas akong ranggo, ay maluwag ang patakaran). Doon ko nakilala si Sir Mark, isang CAT officer. Nakakatakot ang kanyang pakikitungo sa akin. Sinabi niya na di magtatagal ay titiwalag din ako sa organisasyon kapag nahirapan na ako. Sinagot ko siya na hindi ako titiwalag. Simula noon, lagi na niya akong pinahihirapan at pinapahamak. (Siguro upang subukan ako). Sa ikatlong araw ko ng pagiging CO, palihim niyang ibinigay sa akin ang tickler at sinabing pag-aralan ko ito dahil makatutulong ito upang makuha ko ang posisyon na gusto ko. Inilagay niya rin ang pin niya sa bulsa ng aking polo. (Akala ko upang taga-ingat lamang. Nalaman ko sa isang CO na kapag inilagay ng isang officer ang kanyang pin sa bulsa ng isang CO, ung CO na iyon ang magiging tagalinis nito.) May mga pagkakataong lagi kaming magkakasabay umuwi kasama ang ibang kadete. Ngunit napansin ko na laging sina Sir Mark at Ma'am Michelle (matalik na mag-kaibigan) ang sumasabay sa akin.

Dahil sa aking ipinakitang galing at tiwala ng mga kasamahan ko sa COCC, ako ang hinirang na Presidente ng NDEP sa aming paaralan (July-28-2004). Isang gabi, sinabi ko sa dalawa kong officers na kung maaari ay hindi na ako sasabay sa kanila sa pag-uwi dahil baka isipin nila na sumisipsip lang ako. Akala ko ay okey na ang napag-usapan namin, hanggang noong biyernes ng linggong iyon (Aug-6-2004), kinausap ako ni Sir Mark sa likod ng HQ. Galit na galit siya. Nung una, hindi ko alam kung bakit niya kailangang pagsalitaan ako ng masasakit na salita. Umiyak siya sa harapan ko at bigla niyang binato ang kanyang pin. (Tinanggal niya ang kanyang CAT pin upang pansamantalang alisin ang kanyang ranggo dahil hindi dapat umiyak ang isang officer sa harap ng isang COCC). Hindi ko malaman ang gagawin dahil hindi dapat ako iyakan ng isang makisig na officer hanggang umiyak na din ako. Sa aking kaalaman, siya ang kauna-unahang lalaki na umiyak sa harap ko na iniyakan ko rin. Umalis siya at pumasok sa HQ. Dahil sa kahihiyan at galit na nadama ko sa kanya, gusto ko nang tumiwalag sa CAT noong mga oras na iyon. Di lumaon nagpasya akong pumasok ng HQ. Muli akong napa-iyak sa nangyari. Sa pagkakataong iyon, nakita ako ng isang officer. Nagulat siya sa kanyang nakita, kaya tinanong niya ako kung bakit umiiyak. Nalaman ito ng lahat ng officers ngunit hindi parin nila nalaman kung anong dahilan. Iniwan nila ako sa labas dahil sa katigasan ng aking ulo. Maya-maya lang ay tumahan na ako. Nilapitan ako ni Ma'am Michelle at himingi ng tawad sa nangyari. Niyakap niya ako ng mahigpit kaya nakadama ako ng kakalmahan. Hinawakan ako ni Sir Mark sa balikat at himingi rin ng kapatawaran.

Nakagawian na namin na ang bawat isa ay magdadala ng limang boteng babasagin araw-araw. Kaya ng sumunod na lunes, nagtungo kami sa isang junk shop upang ibenta ang mga ito. Umuulan ng mga panahong iyon kaya mayroon akong dalang jacket. Nung kukunin ko na ito, binuksan ni Sir Mark ang bag ko at kinuha ito. Sa halip na ibigay ito sa akin ng ayos, dahil na sa kanyang pagbibiro, ibinato niya ito sa akin at mukha ko ito tumama. Bigla niyang tinanong, "Masakit ba?" na parang nag-aalala. Sinabi kong okey lang ako ang nakipag-appear. Nung gabi ding iyon, ay ang kanyang kauna-unahang text message sa akin. Hindi ko malaman kung ano ang pumasok sa isip ko upang isulat sa isang blanko at bagong kuwaderno ang mensahe, araw at oras na pinadala ito. (mike pki snd nman po skn ung mga # pa ng iba ung clsm8 na CO din... ha? kya.mark i2, 9-Aug-2004, 20:15:03) Para bang ibang kasiyahan ang aking nadarama.

Kinabukasan, sa Science Lab ng school namin,  hindi ko inaasahan na may mag-aabala pang sumulat sa akin. Pagka-abot sa akin ng sulat, nakasulat sa harapin nito ang "Sir Mike". Binuklat ko ang sulat at nakita ko na 1:06 - 1:30 am, 10-Aug-2004 niya ito sinulat. Ilan sa mga nilalaman nito ay: "If by chance we part my friend, and in the dark you lost your way, will you stop for a while and think of me?"... "Turn your back because you'll find me waiting with my open arms."... "Lam mo ba may gusto sa'yo si Ma'am Michelle! Yuck!!! he he he :)"... "Sana nga bigyan tayo ng isang gabi na hindi umuulan para makapaglakad tau kac marami pa tayo hindi alam! Saka may sasabihin ako sainyo para naman lubusan nyo ako makilala! Oo corny na kung corny noh! Cge salamat sa tym mo sa pagbabasa! at sana wag ka magbago ok! Bye TAKE CARE!!! Yngat cla Sau!!! from: Kuya Mark"

Nung biyernes ng linggong iyon, unang beses na pumunta sa aming bahay si Sir Mark. Nag-alala siya dahil hindi ako pumasok nung araw na iyon. Akala niya na napagalitan daw ako kaya hindi ako nakapasok. Sa totoo lang, may sakit ako kaya hindi ako nakapasok. Sinabi niya sa akin na may formation kinabukasan. Kung kaya ko na daw, pumunta na lang ako.

Kinabukasan ng madaling araw, pumunta siya sa aming bahay upang alamin kung pupunta ako. Dahil sa naroon na rin siya, sabay na kaming pumunta sa school. Pero bago kami pumasok sa gate, sinabi niya na sikreto lamang ang pagpunta niya sa aming bahay. Nauna siyang pumasok at maya-maya ay sumunod na rin ako. (Para hindi mahalata ng ibang officers na magkasama kaming pumunta ng school). Natapos ang formation at pumunta kami sa mall kasama ang ibang officers at CO. Nagpakuha kami ng litrato. Kasama ko dito sina Sir Mark, Mam Michelle at isang CO. Hindi ko gaanong nagustuhan ang litrato dahil ako lang ang naka-type C na uniform at sila ay naka sibilyan. (Hindi ko naman kasi akalain na yayayain ako sa mall, eh may sakit ako nun).

Note: Ito ay isinulat noong ako ay nasa High School pa lamang kaya detalyado ang mga pangyayari. Hindi ko lang maalala kung bakit hindi ko ito natapos. Inilathala ko lang ito dahil naniniwala akong kailangan itong mailathala. :)

No comments: